Pinilit kong magkunwaring masaya ang mundo ko,
Pinaglabanan ang masidhing lungkot
buhat nang tayo’y magkahiwalay;
Akala tuloy ng iba ay ganap na kitang nalimot,
Dahil tila di ka na iniisip at waring di-alintanang ikaw
ay nawala sa aking buhay.
Ngunit di nila alam naghihinagpis pa rin ang puso ko,
At bawat gabi na magdaan ay ikaw na lang ang nasa balintataw;
Umiikot man ang daigdig ay bale-wala naman ang lahat,
Sapagkat magpa hanggang sa ngayon ay ikaw pa rin ang mahal ko.
Tinangka kong ibaling sa iba ang damdaming inilalaan ko sa iyo,
Nagbalatkayo pa ngang masigla ako sa lahat ng sandali;
Subalit hungkag ang puso ko sa malabis na pangungulila,
At pangalan mo pa ang inuusal sa tuwina ng pagkagupiling.
Bakit kahit sinaktan mo ako ay hindi pa rin kita malimot,
Na kahit anong gawin ko ay ikaw pa rin ang nasa alaala?
Bakit sa pagpikit ng mga paningin
ay larawan mo pa rin ang nakikita,
Di na nga ba ako makakatakas magpakailanman sa iyong anino?
Mapagpaimbabaw ako kung hindi ko aaminin sa iyo,
Na magpahanggang sa ngayo’y ikaw pa rin ang nasa puso ko;
Na hangad kong tayong dalawa pa rin ang muling magkapiling,
At dumating din ang panahong kaya mo na akong ipagtanggol
laban sa mga makasarili!