Masakit man sa kalooba'y lilimutin na kita,
Pilit kong iiwasan ang makita ka man lang;
Kahit na sa gunamgunam kita’y iwawaksi,
At maging sa pangarap ako nga ay magkukubli.
Gagawin ko ito hindi sapagkat galit ako sa iyo,
Hindi rin dahil sa hindi na kita mahal;
Subalit kailangan ito
upang paging dapatin ako ng Diyos,
Maging ang aking abang kaluluwa
na sa Kanya ay sumasamba.
Mali nga marahil na tayo ay nagkita pa,
Na sanhi nang pag-usbong ng damdaming makalupa;
Totoo na sa una pa man ay minahal na kita,
Ngunit ito’y kabaliwan,
tahasang pagsalangsang sa Ama.
Mabuti pang hanggang maaga ako’y umiwas na sa iyo,
Upang hindi na masaktan pa ng ganap itong aking puso;
Pagka namamalas ka, natutuliro ‘yaring aking puso,
Simbuyo’y napalalaya lamang sa luhaan kong mga mata.
Maaaring akalain mo na ako nga’y nagmamataas,
At hindi ka na mahalaga sa buhay kong lagalag;
Batid ng ama ang damdamin kong sinisikil,
Pipigilin ko na lang ito ng kusa kahit pa kay sakit
nang malugod naman ang Diyos sa akin!