Nag-iisa ka sa mundong tila sa iyo’y walang pumapansin,
Mga paghihikahos mo ay halos wala nang katapusan;
Ang pagdurusa ng puso ay pilit ngang ikinukubli,
Nilalang kang kapuspalad, walang tunay na kaibigan.
At ninais mong kitilin ang hiram na buhay,
Subalit napagtanto mo kaagad na ito ay kasalanan;
At naturol na ang lahat ay pakikibaka lamang,
Mabibigat man ang pagsubok ay dapat lang paglabanan.
At kumintal sa iyong isipan ang busal at butil,
Ang ginintuang payo na dapat nating mabatid;
“Lumakad ka man sa dilim ay hindi manlulupaypay,
kapag tiwala sa sarili ang lagi mong kaagapay.”