Pinilit kong limutin ang kahapong
sadya ngang kay sakit,
Ayoko na sanang isipin
sapagkat masaklap sa gunamgunam;
Subalit bakit tuksong
maya’t maya pa ring nagbabalik,
Ang katotohanang ako’y nagtiwala
ngunit binalik-harap pa?
Akala ko’y natagpuan ko na
ang kaibigang higit pa sa yaman,
Sapagkat kay raming unos
ang kapwa namin pinagdaanan;
Datapwat nang bagyuhin ang buhay
at nangailangan ako ng kalinga,
Walang paalam siyang tumalikod,
iniwan niya akong nanlulupaypay.
Salamat at dumating ka
sa puntong kailangan ko ng gabay,
Ng liwanag at pag-asa at inspirasyon sa buhay;
Bagama’t bago pa lamang tayo
nagkakapalagayan ng loob,
Batid kong sa kaibuturan ng pagkatao mo’y
naroon dalisay na puso.
Hanggang dito na muna pansamantala
itong aking panulat,
Nawa’y hindi ka manghinawa sa pakikipagtalastasan;
Aba man ako sa sanlibutan, pagka minsa’y
natitigib ng lumbay,
Batid kong daratal din ang tunay na ligaya
para sa akin pagdating ng araw!