Sobra na ang mga pagsubok na dumaratal sa iyong buhay,
Halos mawalan ka na ng lakas at di mo na makayanan;
Namumutawi palagi na sa iyong mga labi ang katanungan,
Kailan ba matatapos paghihinagpis mo at mga kabiguan?
Para bang wala kang karapatang makihalubilo sa kanila,
Tila isang tuldok ka lang na walang kahala-halaga;
Tao ka rin namang gaya nila pero bakit ginaganito,
Puso mo'y nagagahis at masyado ka nang nalilito...
Gustung-gusto mo nang sumuko sa napakaraming hilahil,
Nais mo nang wakasan ang lahat dahil kay hirap sikilin;
Bawat araw na magdaan ay punum-puno ng bagabag,
Dinuduwahagi ka, nilalait ng mapagmalinis na lipunan.
Hindi ka nila masisisi kung makaisip ka ng masama,
Kung mawalan ka na ng tiwala sa iyong mga kapwa;
Kung hindi ka na makihalubilo pa sa mga kagaya nila,
O tuluyan ka nang maglaho sa mundong ginagalawan.