Kay layo mo sa aking piling, pinakamamahal ko,
Puso ko'y nalulumbay sa matinding pangungulila sa iyo;
Kailan ka kaya makakasama sa buhay na ito,o Vivian,
Napupuspos ako ng kalungkutan dahil tayo'y magkawalay.
Pagka naririnig ko malamyos mong tinig at halakhak,
Pagka nababasa ko mga panulat mong puno ng pag-ibig;
Pagka naiisip kita sa bawat araw at gabi na magdaan,
Ay tunay nga akong lumiligaya, puso'y kaybilis pumipintig.
Mula nang makilala ka, naging malikhain akong muli,
Nagkaroon ng inspirasyon, imahinasyon ko ay gumana;
Langit ang kapara nang landas nati'y pagtagpuin,
Pag-ibig ko'y sa iyo lamang, magandang paraluman...
Hayaan mong hagkan kita't mayakap sa aking panaginip,
Doon ay iaalay ko sa iyo walang maliw kong pagsinta;
Doon ko ipapadama kung gaano ka kahalaga sa akin,
At patutunayan ko sa iyo wagas at tapat kong pagmamahal.