Kay-ganda ng umaga sa pagbubukang-liwayway,
Kaaya-aya ang paligid at ang hangin kay lamyos;
Masarap pakiramdaman na magsisimula ang araw,
Masaya naman tayo at payapa kahit pa napapagod.
Masdan mo ang iba't-ibang kulay ng mga bulaklak,
Kaybangong namnamin mga rosas at sampaguita;
Bukal sa dako pa roon ay nagpadagdag sa alindog,
Nitong ating kinaroroonang walang katulad na paraiso.
Kung sakali mang mapuspos ako ng mga suliranin,
Ng maraming pagsubok para matamo aking adhikain;
Basta ikaw ang kasama sa masalinuot kong daigdig,
Ay di ko na alintana kahit ano pa man maging sagwil.
Pag-ibig mo sa akin, Vivian, ang nagsisilbing lakas,
Inspirasyon ko sa buhay na ito na puno ng pagsubok;
Lumigaya akong tunay sa aking ginagalawang mundo,
Dahil sa pagkakaloob mo sa akin ng ibayong pagmamahal.
Papatapos na ang maghapon at kapwa tayo nakatunghay,
Habang pinagmamasdan papalubog na araw sa kanluran;
Nagmumuni-muni tayo habang magkayakap sa dako pa roon,
Walang pagsidlan ang ligaya sa ating munting paraiso.