Ang gaya ko ay mahilig mamangka sa mga ilog,
At pag-ibig man din ay di inilapat kanino man;
Sila'y nagsiluha upang makuha ang saloobin ko,
Ngunit nagtatawa lang ako sa lihim man o sa hayag.
Ang sabi ko pa noon, "pag-ibig ay isang laro,
Hindi dapat pag-ukulan ng anumang atensyon;"
Subalit nang dumating ka, oo sa buhay ko,
Ay bakit nagkaganito na ang aking abang puso?
Sa gabi'y nababalisa laman ng isip ay ikaw lamang,
Sa panagimpan at alaala ay nakikita kitang tunay;
Damdamin ko ay nagagahis, hindi pa ako makatulog,
Bakit ka nga ba dumating, ano ba ang iyong motibo?
Minahal ba kita upang ako ay pasakitan,
O kaya'y paluhain bilang ganti ng kapalaran?
O ikaw ba ay narito para ako ay ibigin,
Nang buong puso at walang pagmamaliw?
Yakap at halik mo sa tuwina sa aki'y dumadarang,
Batid mo ba na ang ganito sa iba'y hindi ko nadama?
Bagama't inalayan nila ako ng wagas na pagmamahal,
Ay hungkag pa rin ang ligaya na akin ngang nakamtan?
Ngunit ikaw na bahagi nitong aking pagkatao,
Maisip ka man lang ay kaaliwan ko na sa buhay;
Kapag nakikita ka ay lumiligaya akong totoo,
Halik at yakap mo ay pag-asa ko at sandigan.
Anuman at sinuman ay hindi makapagpapabago,
Sa aking pag-ibig na alay ko sa iyo lamang;
Mamahalin pa rin kita hadlangan man nila ako,
Dahil pagsuyo ko sa iyo ay walang makakapantay.