Nasa isang sulok ka at tila yata nagdidili-dili,
Ninanamnam mo ba katagang sa iyo'y aking binanggit?
May agam-agam bang namumuo sa iyong isipan, Vivian,
O naniniwala kang wala na akong mamahalin pang iba?
Hindi mo man marinig ang tinig ko sa tuwina,
Madalang man ang liham ko sa iyo pagka minsan;
Ngunit hindi ibig sabihin na nababawasan na,
Anumang pag-ibig na sa iyo ko lang iniaalay.
Hindi mo lang batid kung paanong sa araw at gabi,
Ay ikaw na lamang ang laman nitong puso at isipan;
Buhay ay may kulay, nagkakaroon ako ng pag-asa,
Sumasaya ako sa bawat saglit na maalaala kita.
Hindi nagbabago anumang damdamin ko sa iyo,
Hindi natitinag bugso ng aking pagmamahal;
Hindi naaagaw ninuman at ng sinuman, mahal ko;
Pagsuyo ko sa iyo na pangako magpakailan man.