Bakit ang kahapon ay laging kaakibat ng ngayon,
Gayong ang mga naranasan ay puro pasakit lamang?
Bakit ang nakaraang kay pait ay hindi maihiwalay,
Sa kasalukuyang nag-aanyaya ng magandang pangako?
Talaga bang ganito pag umibig ka ng tapat,
Pag nasaktan ay kay hirap ngang makaligtaan?
Dapat lamang bang ipinid na ang pinto sa pagsuyo,
At huwag nang buksan pa sa kahit sinong marahuyo?
Paano nga ba makakatakas sa anino ng kahapon,
Paano sasawayin, papayuhan o tuturuan ang puso?
Kahit ano’ng gawin ay hindi mo siya makalimutan,
Paano ka liligaya kung sarili di mo tutulungan?