Ikaw ang dahilan kaya muling nanumbalik,
Ang lahat ng dati'y hindi ko pinahahalagahan;
Paligid ko'y kuminang at napuspos ng kagandahan,
Lahat ng mapagmasdan ko ay totoong kaakit-akit.
Higit sa lahat ay muli akong naging inspirado,
Na panitikan at pagtula ay maipagpatuloy ko;
Noon kahit anong pilit ko'y di man lang ako makabuo,
Ngunit ngayon kaydali lang magsulat dahil nga sa iyo.
Paano kita mapasasalamatan sa lahat ng kabutihan,
Paano ko ipadarama walang kapantay na pag-ibig?
Paano ko sasabihin sa iyo kung gaano ka kahalaga,
Paano ko ipauunawang huwag kang lalayo sa aking piling?
Hindi ko na makakaya pa na sa aki'y mawala ka,
Mahihirapan na akong tunay na ika'y kalimutan;
Bahagi ka na ng buhay ko na lalagi na sa alaala,
Mahal na mahal kita, ikaw lamang at wala ng iba pa.