Kung iisa-isahin kong ihayag ang aking mga saloobin,
Ikaw lamang ang inibig ko ng ganito katindi;
Ikaw lamang ang minahal ko ng wagas at dalisay,
At handang ipakipaglaban kung kinakailangan.
Ikaw lamang ang nais kong makasama sa aking buhay,
Hinahangad kong makapiling ka sa buong magdamag;
Sa pagdatal ng dapithapon sa dibdib mo ako hihimlay,
Ipalalasap ko sa iyo naglalagablab kong pagmamahal.
Nguni nangangamba ako kapag lumubog na ang araw,
At tuluyang magkubli ito sa mala-bulak na alapaap,
Mayayakap pa kaya kita at muling mahahagkan,
O tatalikod ka at aalis nang hindi na magpapaalam?