Bakit ba ako na nilalang sa mundo,
Ay hindi maunawaan at di rin sinisino?
Pawang hirap ang siyang nakakamit,
Sa buhay na ito na puspos ng hilahil.
Tapat makisama at sarili ay isinugal,
Makamtan niya lamang ang kapayapaan;
Hindi ko inalintana ang usap-usapan,
Hindi ko pinansin ang mga kabulaanan.
At siya'y lumayo…dahan-dahan, unti-unti.
Kagyat niyang nilimot kabutihang iginawi,
Mga pagmamalasakit ko'y ano ang iginanti,
Sakdal kong pangarap ay dagliang napawi.
Maraming naghahangad na sila'y mahalin,
Pag-ukulan ng pansin kahit isang saglit;
Subalit kasalanan kung muling iibig,
Kaya marubdib na nasa ay aking siniil.
Sa ngayon ang diwa ko ay totoong nagugulo,
Sapagkat nagdurugo itong aking puso;
May bagong pag-ibig na nagsisimulang mamuo,
Tulad nang nasabi ay pilit kong kinukuyom.
Batid mo ba, Tao, ang pangunahing dahilan,
Kung bakit walang lakas na ito'y ibulalas?
Damdamin kong ito ay ipinagbabawal,
Kaya pakiusap… huwag ninyo akong hatulan!