Tapat ka kung makipagkaibigan,
tunay pang makisama,
Pagkaing para sa iyo
ay ibibigay pa sa nangangailangan;
Hindi ka natatakot ipagtanggol
ang iyong mga kaibigan,
Dahil yaman mo silang maituturing
at pinakamumuting talaga.
Ngunit di kaginsa-ginsa’y
nagmahal ka sa isang kabaro,
Pinilit mong kimkimin sa sarili
ang naiibang damdamin;
Sapagkat batid mo
na hindi ito nararapat man din,
Subalit nahihirapan ka na
at puso mo pa’y nagagahis.
Ipinaalam mo sa kanya
pag-ibig na handa mong ialay,
At tanda mo lahat
nang namutawi sa kanyang mga labi,
“Huwag kang mahiya sa iyong nadarama,
nauunawaan kita,
Lahat tayo’y pantay-pantay
at may karapatang umibig.”
Pero pagkatapos ng iyong pagtatapat
ay iba ang nangyari,
Ipinamalita niya iyon sa karamihan
na may halong panlalait,
Hinusgahan ka,
inakusahang walang karapatang mabuhay,
Na para bang may sakit ka
na dapat lang pandirihan!
Sino sila na mag-aasal Diyos
at sa iyo ay huhusga?
Mas masarap kang magmahal
at tapat pa na kaibigan,
Sino sila na sa iyo ay mandidiri,
manlalait, magtatawa,
Nagmamalinis pa sila
gayong mga wala namang kasing-dumi!