Araw at gabi'y palagi ka
sa aking balintataw,
Hindi ka na mapaknit kahit minsan pa
sa aking isipan;
Kulang ang maghapon
kapag hindi ka nakakausap,
Nawa'y maniwala ka, Cristina,
dahil mahal na mahal kita.
Magmula nang makilala ka
buhay ko'y nagkakulay,
Mundo ko'y muling uminog
nagkaroon ng pag-asa;
Magagandang alaala nati'y
nagpapaikot sa maghapon,
Sa pagdatal ng takipsilim,
laman ka pa rin ng imahinasyon.
Maglalaho ang langit
at ulap nga ay mapaparam,
Lahat ng ito'y mapapawi,
daigdig ay magugunaw;
Pagdating ng araw
ang mga ito nga'y magaganap,
Subalit pag-ibig ko sa iyo
ay mananatili magpa kailanman.
Kulang ang mga salita
para bigkasin kung gaano kita kamahal,
Salat din ang panulat upang maipadama
ang pag-ibig na sa iyo ko lang iniaalay;
Ngunit kahit hindi masambit ng puso
ang mga kataga ng pagsuyo,
Pag-ibig na nadarama ko para sa iyo
ay hindi maglalaho!