Dati may kaibigang nagmamahal at sa iyo ay nag-aaruga,
Nagpapayo ng may pag-ibig, sandigan mo sa panimdim;
Matiyaga siya sa pangangaral para ka mapanuto,
Kay palad mo sapagkat karamay mo siya sa mga lunggati.
Subalit nakinig ka sa paninira ng iba kaya ka naging mapaghinala,
Kung kaya’t ang kaibigang sa iyo ay matamang nagpala;
Kagyat mong nilayuan, pinagtawanan pa saka hinamak,
Nilimot mo ang mga kabutihang sa iyo ay kanyang ipinunla.
Oo nasaktan siya nang gayon na lamang,
Dahil sa iginanti mo sa kanyang mga gawi;
Kaibigan mo siya sa dusa, sa lahat ng sandali,
Ngunit ikaw pala ay madaling masulsulan.
Ngayong siya’y malayo na ay hinahanap-hanap mo,
Pero nadala na siya sapagkat napaka babaw mo pala;
Kung kaya’t ayaw na niyang bigyan ka ng isa pang pagkakataon,
Baka nga naman sa susunod,
mas higit pang pasakit mula sa iyo ang makamit niya!