Huwag kang mabalisa sa kasamaan ng tao,
Huwag ding mangimbulo sa mga gawa nilang liko;
Sila’y malalantang kaparis ng damo;
At tulad ng halaman, sila’y matutuyo.
Ang buong pagkatao sa Panginoon mo ilagak,
Sapagkat sa gayon ay tutulungan ka Niyang ganap;
Ang katapatan mo sa Kanya ay magliliwanag,
Kapara ba ng araw sa katanghaliang tapat.
Pumanatag kang tunay sa harapan ng Diyos,
At huwag kainggitan ang sinuman sa mundo;
Lahat ng makasalanan ay ganap ngang mapaparam,
Hahanapin silang pilit ngunit di na masusumpungan.
Ang taong masama ay laban sa matuwid,
Ang palagay sa sarili’y siya’y napaka dakila;
Ang akala’y maliligtas sa panahon ng pagngangalit,
Kaya yaong iniisip ay hindi na siya magdurusa.
Ang Diyos ang magliligtas sa mga tapat na hinirang,
Iingatan Niya sila sa lahat ng mapanligalig;
Ililigtas silang ganap at ipagsasanggalang,
Silang lahat na nangubli sa Amang mapagmahal.