Nagsimula kayong dalawa
bilang magkaibigan,
Paligid nyo'y nagkakulay
kahit kay layo sa isa't isa;
Pareho kayong edukado,
mahusay pang magsulat,
At naging mag-syota kayo
kaya buhay nyo ay kay saya.
Subalit ang isa sa inyo
ay namangka sa dalawang ilog,
Dahil ikaw na nobya niya
sa kanya ay walang panahon;
Hindi naman niya sinadya
na sa iyo'y magtalusira,
Ngunit masisisi mo ba siya
kung puso niya'y tumibok sa iba?
At hiningi mo sa kanya
ang iyong kalayaan,
Ayaw niyang pumayag noong una
subalit mapilit ka;
Pero wika mo sa kanya,
magkaibigan pa rin naman kayo,
At wala kang hinanakit
kahit puso mo'y nagdurugo.
Umasa siya sa pangako mo
na mananatili kayo,
Na magkaibigan
at nagmamalasakitan sa isa't isa;
Minahal ka naman niya
ngunit nagkulang ka nga,
Saka mo siya sisisihin
at ngayon ay iyong ginugulo.
Bakit kailangang humantong kayo
sa pagpapatutsadahan?
Bakit matamis na pag-iibigan nyo
ay umasim ng ganito?
Puwede naman kayong maghiwalay
ng masaya at mapayapa,
Pero hindi mo nga matanggap
na siya'y maligaya na sa ngayon.
Kung totoong makatao ka
at may pusong maunawain,
Kung tunay ngang sa kanya
ikaw ay may pagmamalasakit;
Sanay tigilan mo na pag-iiwan
ng nakakainis na mensahe,
Dahil panatag na ang buhay niya
sa pinakaiibig na babae.