Ano pa ang halaga ng mabuhay sa mundong ibabaw,
Ano pa ang silbi ng kayamanan at katanyagan?
Paano pa ako ngingiti kung ika'y wala na, mahal ko,
Sabihin mo nga, paano na ako kapag ikaw ay naglaho?
Akala mo lang siguro ay hindi ako nasasaktan,
Kung tayo'y may tampuhan o hindi nag-uusap;
Akala mo marahil ay hindi ako marunong umiyak,
Lumuluha ako, giliw ko, kapag tayo'y may sigalutan.
Dibdib ko'y nagsisikip, hindi rin ako mapakali,
Halos hindi ako makatulog sa buong magdamag;
Laman ng isipan ko ay tanging ikaw lamang, Vivian,
Dahil di ko maatim na tuluyan kang mawala sa akin.
Patawarin mo sana ako sa lahat ng naging pagkukulang,
Pagpasensyahan mo nawa pagiging isip-bata ko;
Kahit ang Maykapal batid Niya kung gaano kita kamahal,
At alam Niyang kung mawawala ka puso ko'y magdurugo.