May pangarap ako sa buhay na ito,
Na marating ang puno't dulo…;
Kaya ninasa kong sa iyo ay lumayo,
At makihalubilo sa balatkayong mundo.
Sa aking pag-iisa ay lubhang nalumbay,
Nagtiis ng hirap upang magtagumpay;
At ang hinangad na pansamantalang buhay,
Ay naabot mandin mula sa pananaw….
Nang nasa rurok na ang aking pangarap,
Ay nasilaw ako sa ibang kagandahan;
Madaling nasilo ang puso kong salawahan,
Kagyat na nalimot ang kahapong kay saya.
Ngayong siya'y lumayo ay saka napagkuro,
Na ang lahat ng ligaya ay may hangganan pala,
Dalamhati't pagsisisi ay napuspos ako,
Nang mabatid kong ako'y panakip-butas lamang.
Lito, walang masulingan, ako'y napahikbi,
Mga mata ko'y pagal na sa anino ng gabi;
Sa diwa'y umuukilkil ang isang bahagi,
Ang gunita ng lumipas sa hiram na sandali.
Nahihiya nga ako na sa iyo ay magbalik,
Dahil sa mga kamalian kong sa iyo'y isinukli;
Sa lahat mong kabutiha'y ito pa ang iginanti.
Ang aking samo, mahal ko, ako sana'y patawarin.