Hinihingal ako at tila ba namamangha pa sa namasdan,
Inaarok kung totoo ba ang nakita o kathang-isip lamang;
At nang mahimasmasan ako'y napagkuro ko na ang lahat,
Ay bunga lamang ng pangarap sa sinundang gabi 'nyaring buhay.
Para bang totoong nangyari ang mga nakita ko sa panaginip,
Mga tao'y humihiyaw, puno ng takot, mga nanginiginig;
Dambuhalang alon sa kanila'y lumamon karamiha'y nagsilikas,
Tumatakbo, hindi alam kung saan susuling nangabiglang kaluluwa.
Mga paslit ay umiiyak, sumisigaw, tinatawag pangalan ng ina,
Naligaw, naglaho, nahiwalay nang sila'y magsitakas;
Pilit hinahanap sa karamihan magulang nilang minumuting,
Ngunit kapalaran na ang naghiwalay tadhana na nga itong maituturing.
Kailan matatapos ang takot, mga kaba sa kanilang dibdib?
Matatagpuan pa kaya nila ama't inang nag-aruga sa kanila?
May saya at liwanag, pag-asa pa kayang matatanaw,
Mga batang hindi dapat pagkaitan ng ligaya't pagmamahal?